Personal na pinangunahan ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Shirley C. Agrupis ang paghahatid ng tulong-pinansyal para sa mga mag-aaral at ang pagsusuri sa mga pinsalang dulot ng nakaraang lindol sa mga unibersidad at kolehiyo sa Region 12 (SOCCSKSARGEN) nitong Hunyo 13, 2026.
Kasama sina Regional Office Director Rody P. Garcia at Administrative, Financial, and Management Service Director Alma S. Patron, sinimulan ni Chairperson Agrupis ang kaniyang opisyal na pagbisita sa pamamagitan ng seremonyal na pamamahagi ng UniFAST-Tertiary Education Subsidy (TES) sa Lungsod ng Tacurong, Lungsod ng Koronadal, at sa Bayan ng Polomolok.
Nakinabang sa naturang subsidiya ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan tulad ng St. Alexius College, Inc., Marvelous College of Technology, Inc., Marbel School of Science and Technology, Goldenstate College of Koronadal City, Inc., STI College–Koronadal City, Inc., Notre Dame of Tacurong College, VMC Asian Colleges Foundation, Inc., at General Santos Academy, Inc.
Sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931), ang TES ay nagbibigay ng mahalagang pondong pantustos sa tuition, mga libro, transportasyon, at pang-araw-araw na gastusin ng mga estudyante.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ng Tagapangulo ang pangako ng administrasyong Marcos na walang mag-aaral na Pilipino ang maiiwan.
“Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang edukasyon ay isang pamumuhunan. Narito kami upang tiyakin na ang ating mga iskolar ay may sapat na kagamitan at pondo upang matapos ang kanilang pag-aaral,” pahayag ni Agrupis.
matapos ang pamamahagi ng ayuda, agad na nagpatawag ng emergency meeting si Agrupis kasama ang mga presidente at kinatawan ng mga Higher Education Institutions (HEIs) sa Rehiyon 12. Layunin nito na talakayin ang epekto ng nagdaang lindol sa Mindanao, alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ang pagpapatuloy ng klase.
Nagbigay naman ng ulat ang mga opisyal ng unibersidad ukol sa mga pinsala sa kanilang mga kampus, mga plano para sa academic continuity, at ang kalagayan ng mga mag-aaral at guro. Dahil dito, ipinanawagan ni Agrupis ang mas matibay na disaster-resilience protocol at ang pagkakaroon ng iisang emergency response system sa lahat ng HEIs.
Bukod sa pagpupulong, personal ding nag-inspeksyon si Agrupis sa mga pinsala sa istruktura ng Mindanao State University – General Santos (MSU-Gensan).
Kasalukuyan nang nakikipagtulungan ang CHED sa pamunuan ng mga unibersidad at sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang paglabas ng evaluation reports. Ang mga ulat na ito ang gagamiting basehan ng CHED para sa gagawing technical assistance at pagpapadala ng tulong para sa rehabilitasyon ng mga paaralan.




