Aabot sa higit ₱3.43 milyon pisong halaga ng iligal na droga ang naharang ng Bureau of Customs mula sa dalawang Parcel sa Central Mail exchange Center sa Pasay City mula Canada.
Sa report ng NAIA Customs nadiskobre ang iligal na droga o hinihinalang shabu habang isinagawa ang risk assessment procedures.
Sa isang pisikal na inspeksyon, natuklasan ang 505 gramo na iligal na droga na nakatago sa loob ng mga kargamento.
Agad na nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) para magsagawa ng kinakailangang pagsusuri, imbentaryo, at dokumentasyon ng kaso.
Samantala naaresto naman ang isang claimant na tumanggap sa mga papasok na parcel na sumailalim ngayon sa karagdagang imbestigasyon.
Inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa suspect para sa paglabag sa Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act. | ulat ni Aj Ignacio