Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Education (DepEd) kaugnay ng insidente ng pananaksak sa loob ng isang pribadong paaralan sa General Trias, Cavite na nagresulta sa pagkasugat ng ilang mag-aaral.
Ayon sa DepEd, nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa pamunuan ng paaralan at sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na maibibigay sa mga apektadong estudyante ang kinakailangang suporta, tulong, at mga nararapat na intervention.
Dahil mga menor de edad ang nasangkot sa insidente, nanawagan ang DepEd sa publiko na igalang ang privacy, dignidad, at karapatan ng lahat ng batang sangkot at umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Hinimok din ng DepEd ang publiko na hayaan ang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa nangyari.
Binigyang-diin ng DepEd na nananatiling prayoridad nito ang kaligtasan, kapakanan, at kalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral.
Matatandaang pitong Grade 5 students ang nasugatan matapos silang saksakin ng isang babaeng Grade 8 student sa loob ng isang pribadong paaralan sa General Trias, Cavite.
Isinugod sa ospital ang mga biktima habang ang suspek ay nasa pangangalaga na ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at sumasailalim sa medical at psychological evaluation. | ulat ni Diane Lear