Photo courtesy of Bureau of Customs
Umabot sa ₱1.95 bilyong halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement agencies sa isinagawang mga operasyon sa buong bansa noong Mayo.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, nasa 2,941 anti-drug operations ang isinagawa mula May 1 hanggang 31 kung saan 3,702 drug personalities ang naaresto.
Kabilang dito ang mga high-value target, drug den maintainers, mga halal na opisyal ng gobyerno, at ilang kawani ng pamahalaan.
Bukod dito, nabuwag din ang 18 pasilidad na may kaugnayan sa ilegal na droga, kabilang ang isang clandestine laboratory at 17 drug dens.
Kabilang sa mga nasabat ang mahigit 157 kilo ng shabu, halos siyam na kilo ng cocaine, 1,711 piraso ng ecstasy, at mahigit 2,400 kilo ng marijuana.
Iginiit ni Nerez na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan.