Naniniwala si Deputy Speaker Paolo Ortega V na sapat ang isang araw na special session ng Kongreso upang maaprubahan ang mga nakabinbing panukalang batas.
Muling magbabalik sa sesyon ang dalawang Kapulungan ng Kongreso mamayang alas-9 ng umaga bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magsagawa ng Special Session upang talakayin at tapusin ang mga nakabinbing panukala at iba pang mahahalagang usapin.
Kumpiyansa si Ortega na kayang tapusin ng Kongreso sa loob ng isang araw ang pag-apruba sa mga panukalang nasa ikatlo at ikalawang pagbasa.
Kasabay nito, nanawagan ang mambabatas sa mga senador na ayusin na ang kanilang hindi pagkakaunawaan at magkaisa para matiyak ang maayos na pagpapatuloy ng trabaho sa Senado.
Ayon kay Ortega, mahalagang maresolba agad ang sigalot sa liderato ng Senado upang hindi na maantala ang mga legislative work, mga nakabinbing appointment, at maging ang nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Dagdag pa niya, maaaring magsilbing pagkakataon ang Special Session upang malinaw na matukoy kung aling grupo ang may sapat na suporta upang mabuo ang mayorya sa Senado at tuluyang maresolba ang usapin sa pamumuno ng kapulungan.