Mahigpit pa ring binabantayan ng PHIVOLCS ang sitwasyon ng Mayon Volcano dahil sa patuloy na effusive eruption o mabagal na pag-agos ng lava sa bulkan.
Sa inilabas na sped-up camera footage ng PHIVOLCS bandang alas-9:23 ng gabi noong June 16, makikita ang patuloy na pag-agos ng lava at pagbuo ng collapse-fed pyroclastic density currents o PDCs o “uson.”
Dumaloy ang lava sa Basud Gully na umaabot sa 3.8 kilometro, Bonga Gully na nasa 3.2 kilometro, at Mi-isi Gully na nasa 1.8 kilometro.
Naitala rin ng PHIVOLCS ang walong volcanic earthquakes kabilang ang tatlong volcanic tremors na tumagal ng pito hanggang 28 minuto, at 248 rockfall events.
Nanatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon kaya mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone.