Nasabat ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang dalawang inbound parcel na naglalaman ng tinatayang 505 grams ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na P3.43 milyon sa isinagawang inspeksyon sa Central Mail Exchange Center.
Nadiskubre ang kontrabando kasunod ng pisikal na inspeksyon sa parcel na una nang pinagdudahan sa iba pang screening.
Agad namang nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), at iba pang kaukulang ahensya upang magsagawa ng pagsusuri, imbentaryo, at dokumentasyon ng kaso.
Naaresto naman ang isang claimant na umano’y tatanggap ng mga parcel na ngayon ay nasa kustodiya ng mga awtoridad para sa mas malalim na imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Inihahanda na rin ang pagsasampa ng mga kaso para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng mga probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act.