Tiniyak ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary at Lead Convenor Lope B. Santos III na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagsugpo sa kahirapan sa bansa sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng Pilipinas, gaya ng mga kalamidad at iba pang pambansang isyu.
Sa press conference na inorganisa ng Philippine Information Agency ngayong Miyerkules, binigyang-diin ni Santos ang patuloy na pagbuti ng kalagayan ng maraming Pilipino.
Ayon sa datos, mula sa nasa mahigit 30 percent poverty incidence noong maitatag ang NAPC noong 1998, bumaba na ito sa 15.5% sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa pamamagitan ng “whole-of-government approach.”
Target ng pamahalaan na higit pang mapababa ang antas ng kahirapan sa 8% hanggang 9% pagsapit ng 2028 at tuluyang masugpo ang kahirapan sa bansa pagsapit ng taong 2040.