Iginiit ni Senador Ping Lacson na dapat mas maagang inihain nina Senador Alan Peter Cayetano at ng kanyang mga kaalyado ang petisyon sa Korte Suprema kung layunin nilang maibalik sa kapangyarihan ang kanilang grupo sa Senado.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na ang paghahain ng petisyon isang araw bago ang nakatakdang espesyal na sesyon ng Senado ay tila isang desperadong hakbang upang igiit pa rin ni Cayetano ang awtoridad bilang Senate President.
Ayon kay Lacson, kung mas maaga itong isinampa, magkakaroon sana ng sapat na panahon ang Korte Suprema upang pag-aralan at pagpasiyahan ang usapin.
Kinuwestiyon ng senador ang timing ng petisyon ni Cayetano at tinanong kung layunin nito na magdulot ng panibagong kontrobersiya sa pagbubukas ng espesyal na sesyon.
Nakatakdang magpulong ang Senado ngayong araw sa isang espesyal na sesyon na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang talakayin ang mga nakabinbing priority measures at mga kumpirmasyon ng Commission on Appointments para sa ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Inaasahan din ang pormal na pagkakahalal kay Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian bilang pinuno ng Senado.
Nauna nang sinabi ni Lacson na nakahanda ang majority bloc na pinamumunuan ni Gatchalian sa anumang hakbang na maaaring gawin ni Cayetano sa sesyon ng Senado.
Babala rin niya, maaaring magkaroon ng mabigat na tungkulin ang Senate Sergeant-at-Arms sakaling magkaroon ng panibagong tensiyon o kaguluhan sa plenaryo.
Tiniyak ng senador na hindi dapat at hindi papayagan ng majority bloc na mangyari iyon. Sa kanyang pahayag, iginiit din ng senador na hindi tama na sabihing si Cayetano lamang ang lumikha ng kasalukuyang krisis sa Senado dahil, para sa kanya, si Cayetano mismo ang krisis.