Photo from DSWD
Umabot na sa 21,423 indibidwal na naninirahan sa lansangan ang natulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Pag-abot Program sa buong bansa.
Ayon sa DSWD, nasa 19,906 sa mga benepisyaryo ang natulungang makabalik sa kanilang mga probinsya habang 688 naman ang na-admit sa Pag-abot Processing Center at iba pang DSWD Centers and Residential Care Facilities.
Kaugnay nito, nagsagawa ng pulong ang Pag-abot Program Inter-Agency Committee para palakasin ang suporta mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa reintegration ng mga benepisyaryo.
Punto ni DSWD Undersecretary Edu Punay, nananatili pa rin ang hamon sa pagpapanatili ng suporta sa mga natulungang indibidwal ng ahensya para hindi na sila muling bumalik sa lansangan.
Aniya, mahalaga ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya para matugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo, kabilang ang trabaho, kabuhayan, at edukasyon matapos silang maibalik sa kanilang komunidad.
