Pormal nang nagtapos ngayong araw ang Philippines-Australia Army-to-Army Exercise (PAAAE) o Kasangga Exercise 2026 sa Camp Elias Angeles sa San Jose, Pili, Camarines Sur.
Sa closing ceremony, binigyang-diin ni Army Vice Commander Maj. Gen. Efren F. Morados na higit na napalakas ng pagsasanay ang kakayahan ng mga puwersa ng Pilipinas at Australia na magsagawa ng mga operasyon at tumugon sa iba’t ibang hamon sa seguridad.
Nasa 300 sundalo ng Philippine Army mula sa iba’t ibang yunit ang lumahok sa bilateral exercise, kasama ang nasa 90 delegado mula sa Australian Army.
Unang beses ding nakibahagi sa naturang pagsasanay ang Philippine Air Force at Philippine Navy, na nagpalawak sa representasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa Philippine Army, bahagi ang Kasangga Exercise ng pagpapatibay ng kakayahan ng mga katuwang na bansa sa pagtugon sa krisis at pagpapanatili ng seguridad sa Indo-Pacific region.