Mas magaan na pagbabayad ng salary-based loans ang aasahan ng mga manggagawa matapos palawigin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang maximum repayment period nito mula limang taon hanggang pitong taon.
Saklaw ng bagong patakaran ang Salary-Based General-Purpose Consumption Loans, na karaniwang ginagamit para sa edukasyon, kalusugan, mga emergency, biyahe, at iba pang personal na pangangailangan.
Ayon sa BSP, layunin nitong gawing mas abot-kaya ang buwanang hulog habang pinananatili ang responsableng pangungutang.
Dati, karaniwang hanggang tatlong taon lamang ang loan term at maaari lamang umabot sa limang taon sa mga natatanging kaso.
Nilinaw naman ng BSP na ang pitong taon ay pinakamahabang loan term lamang at hindi awtomatikong ipatutupad sa lahat ng borrowers.
Nakabatay pa rin ito sa kakayahang magbayad, employment record, credit history, at layunin ng utang.
Patuloy ding isinusulong ng BSP, katuwang ang Department of Education (DepEd) at iba pang institusyon, ang financial literacy at responsableng pangungutang upang matiyak na may sapat na take-home pay pa rin ang mga nangungutang matapos magbayad ng kanilang mga loan.