Mangangailangan pa ng isang linggo ang isinasagwang fact-finding investigation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay sa pagkasawi ng dalawang players ng Ateneo Men’s Basketball Team na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Sa ambush interview sa Camp Crame, sinabi ni Department of the Interior Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na pag-aaralan nilang mabuti ang testimoniya kaya mangangailangan pa sila ng isang linggo bago matapos ang imbestigasyon.
Kinakailangan din aniyang matukoy ang moral at legal na responsibilidad ng Ateneo De Manila Univesity.
Sinabi ni Remulla na nakitaan din kasi inconsistencies sa mga pahayag ng mga coach at mga player dahil magkakaiba ng vantage point nang mangyari ang insidente kaya aminado siyang matatagalan pa ang imbestigasyon.
Matatandaang sinabi ng kalihim na posibleng irekomenda ng CIDG sa Department of Justice ang resulta imbestigasyon sa Martes June 23.