Paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang operasyon laban sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kaniya nang ipinag-utos ang pinaigting na Police visibility at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan hinggil dito.
Nabatid na idinulog ni DPWH Secretary Vince Dizon sa PNP ang kaso matapos mabisto ang ilang scammer na nagsasamantala sa mga komunidad na sinalanta ng sakuna para magpanggap na opisyal ng DPWH para mangikil.
Magugunitang inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang babae sa Davao City noong June 14 matapos umanong magpanggap bilang mga opisyal ng kagarawan.
Dahil dito, tiniyak ni Nartatez na hindi nila hahayaang dumami pa ang mga ganitong uri ng modus at agad nila itong pipigilan upang hindi na makapamerhuwisyo pa sa publiko.