Natapos nang dalawang buwan na mas maaga sa itinakdang target completion date ang Phase 1 ng retrofitting o strengthening works (portal shoring) ng Calbiga Bridge, isang proyektong naglalayong mapalakas ang kapasidad ng tulay at mapabuti ang daloy ng transportasyon sa lalawigan ng Samar.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 8, isinagawa ang proyekto bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapagaan ang pagbiyahe ng mga mabibigat na sasakyan at mabawasan ang abala sa mga motorista at negosyante sa rehiyon.
Inanunsyo ni DPWH Region 8 Regional Director Edgar B. Tabacon na simula Hunyo 19, 2026 ay maaari nang dumaan sa Calbiga Bridge ang mga heavy vehicle na may timbang na hanggang 15 tonelada sa ilalim ng two-way traffic scheme matapos makapasa ang tulay sa isinagawang inspeksyon.
Pinapayagan na rin ang mga sasakyang may timbang na hanggang 30 tonelada na tumawid sa tulay sa pamamagitan ng one-way traffic scheme mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Matatandaang noong Pebrero ay bumisita sa lugar si DPWH Secretary Vince Dizon at inatasan ang agarang pagpapatibay ng tulay upang matugunan ang suliranin ng mga truck driver at iba pang motorista na napipilitang dumaan sa mas mahabang rutang Wright–Taft–Basey patungong Tacloban dahil sa umiiral na limitasyon sa tulay.
Kasabay nito, inilabas din ang kinakailangang pondo para sa portal shoring works na nagsisilbing karagdagang suporta sa istruktura ng tulay habang isinasagawa ang mas malawak na rehabilitasyon nito.
Inaasahang magdudulot ng mas mabilis na biyahe, mas mababang gastos sa transportasyon at logistics, at mas episyenteng paggalaw ng mga produkto at serbisyo sa Eastern Visayas ang pagbubukas ng Calbiga Bridge sa mas mabibigat na sasakyan. Sa pamamagitan ng maagang pagkumpleto ng proyekto, inaasahang higit na mapapalakas ang konektibidad at ekonomikong aktibidad sa Samar at mga karatig-lalawigan. | ulat ni Penelope Pomida | RP Borongan
📸 DPWH- Region 8