Sasailalim sa public auction ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang apat na luxury vehicles na may kaugnayan sa pamilyang Discaya kaugnay ng isang tax case.
Gaganapin ang auction sa Hunyo 29, 2026, mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali sa BIR National Office sa Quezon City.
Kabilang sa mga ibebenta ang Mercedes-Benz Sprinter 2017, Mercedes-Benz GLS 350D AMG 2020, Range Rover LWB 2019, at Land Rover Defender 130 S 2023.
Ang mga sasakyan ay nasamsam mula sa St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corporation.
Tinatayang nasa Php 26.14 milyon ang kabuuang halaga ng mga sasakyan, at ibebenta ang mga ito sa ilalim ng “AS IS, WHERE IS” basis.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, layunin ng auction na mapabilis ang koleksyon ng buwis at maiwasan ang patuloy na pagbaba ng halaga ng mga nakumpiskang ari-arian habang nasa kustodiya ng pamahalaan.
Para sa karagdagang detalye, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng BIR o makipag-ugnayan sa Revenue Region 7B-East NCR Collection Division.