Nanawagan si Abra Lone District Representative JB Bernos sa pamahalaan na magsagawa ng masusing pagsusuri sa structural integrity ng mga pangunahing imprastraktura sa bansa.
Kasunod ito ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Bernos, mahalagang tiyakin na ligtas at matibay pa rin ang mga kalsada, tulay, paaralan, pantalan, at iba pang pampublikong imprastraktura.
Ipinunto rin niya na lalong kinakailangan ang naturang pagsusuri dahil hindi mahuhulaan kung kailan at saan tatama ang malalakas na lindol at iba pang kalamidad.
Aniya, makatutulong ang komprehensibong inspeksyon upang matukoy kung alin sa mga imprastraktura ang maaari pang gamitin at kung alin ang nangangailangan ng rehabilitasyon o tuluyang pagsasara.
Umaasa rin ang mambabatas na maisabatas ang panukalang New Philippine Building Act upang mapalitan at ma-update ang kasalukuyang construction standards sa bansa.
Binigyang-diin ni Bernos na dapat ding managot ang mga may-ari ng gusali at mga opisyal ng pamahalaan na mapatutunayang lumabag sa itinakdang construction standards.