Sa nakalipas na 24 oras, naitala ng PHIVOLCS sa Bulkang Mayon ang 323 rockfall events, 28 volcanic earthquakes, anim na volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang walong minuto, at isang Pyroclastic Density Current (PDC) o uson, ayon sa ulat ng ahensya ngayong June 20, 2026.
Patuloy ding namataan ang banaag sa bulkan habang nagpapatuloy ang pagdaloy ng lava sa mga bangin ng Basud na umabot sa 3.8 kilometro, Bonga na may 3.2 kilometro, at Mi-isi na may 1.8 kilometro.
Nasa 1,810 tonelada kada araw naman ang sulfur dioxide flux ng bulkan, batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya noong June 19.
Umabot sa 500 metro ang taas ng plume mula sa crater na may katamtamang pagsingaw at napadpad patungong kanluran-timog-kanluran, kanluran-hilagang-kanluran, at timog-kanluran.
Naitala rin ang panandaliang pag-impis ng bulkan, kasabay ng nagsisimulang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan. Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko sa posibilidad ng pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok ng bulkan, at pagdaloy ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan.
📸 PHIVOLCS