Tiwala ang liderato ng Mababang Kapulungan sa mga mambabatas na tatayong prosekusyon sa gaganaping impeachment trial sa Senado.
Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, hindi na kailangan pang magbigay ng anumang atas o direktiba ang pamunuan ng Kamara dahil batid na ng prosecution panel ang kanilang mga susunod na hakbang.
Pinuri ni Marcos ang kredibilidad ng mga kongresistang kabilang sa panel na aniya ay binubuo ng mahuhusay at may karanasang prosecutors.
Kampante rin ang Majority Leader sa pamumuno ni Batangas Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro bilang Lead Prosecutor na siyang gagabay sa buong koponan.
Samantala, positibo naman ang tugon ng mambabatas sa mungkahi ng prosekusyon na gamitin ang wikang Filipino sa kabuuan ng paglilitis sa Senado.
Ayon kay Marcos, makatutulong ito upang mas madaling maunawaan ng mga ordinaryong Pilipino ang takbo ng kaso at ang mga usaping may kinalaman sa impeachment proceedings.