Nasabat ng Bureau of Internal Revenue o BIR at National Bureau of Investigation ang 22 container van na hinihinalang naglalaman ng mga iligal na sigarilyo sa container yard ng Carlos A. Gothong Lines, Inc. North Harbor sa Tondo, Maynila.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, tinatayang nasa 30,800 master cases ng illicit cigarettes na walang kaukulang internal revenue stamps ang laman ng mga container.
Sa 10 container na na-inspeksyon na, nakumpirmang may mga unstamped cigarettes kabilang ang ilang kilalang brand.
Sinabi ni Mendoza na paiigtingin pa ng ahensya ang operasyon laban sa iligal na kalakalan ng sigarilyo upang maprotektahan ang kita ng gobyerno at masuportahan ang mga lehitimong negosyo. | ulat ni Rey Ferrer