Pinaalalahanan ngayon ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang publiko na unahin ang kapakanan at karapatan ng mga bata sa anumang media exposure at content creation.
Ginawa ng CWC ang panawagan kasunod ng pagtaas ng kaso ng online at offline bullying sa mga bata.
Ayon sa CWC, tungkulin ng mga nakatatanda na tiyaking ligtas, angkop, at protektado ang mga bata sa tuwing isinasama ang mga ito sa online content.
Hindi rin umano dapat idamay ang mga bata sa anumang isyu o gamitin ito para hamakin, laitin, o i-cyberbully sila.
Kasunod nito, hinimok ni CWC Executive Director Undersecretary Angelo Tapales ang mga magulang, guardian, content creators, at media practitioners na maging responsable sa paglalabas ng content na may kasamang mga bata.
“We urge parents, guardians, content creators, media practitioners, and the public to exercise precaution and responsibility whenever children are featured in media and digital platforms. The pursuit of views, engagement, or public attention should never come at the expense of a child’s rights and welfare,” ani Usec. Tapales.
Binigyang-diin din nito ang pagsunod sa Guide for Media Practitioners on Reporting and Coverage of Children ng CWC na naglalaman ng mga prinsipyo tulad ng pagbibigay proteksyon sa privacy ng bata.