Lumakas pa ang Typhoon Francisco habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa Philippine Sea.
Sa Tropical Cyclone Bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang sentro ng bagyo sa layong 875 kilometro silangan ng Central Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 130km/h malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 160km/h.
Sa ngayon, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, gayundin sa northeastern portion ng Cagayan kabilang ang Gonzaga, Santa Ana at silangang bahagi ng Babuyan Islands dahil sa banta ng malalakas na hangin.
Ayon sa PAGASA, inaasahang mananatili ang bagyo sa Philippine Sea, ngunit hindi inaalis ang posibilidad ng paglapit nito sa Extreme Northern Luzon.
Patuloy ring lalakas ang bagyo at posibleng maabot ang peak ng lakas pagsapit ng Martes.
Samantala, nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng malalakas na pagbugso ng hangin sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao dahil sa habagat.
