Muling pinagtibay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pangako nitong magbigay ng pag-asa at bumuo ng mas inklusibong lipunan para sa mga refugee at stateless persons sa bansa.
Sa pagdiriwang ng ikatlong National Refugee Day, binasa ni DSWD Assistant Secretary Paul Ledesma ang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagbigay-diin sa patuloy na pagtanggap at pagprotekta ng Pilipinas sa mga taong tumatakas mula sa kaguluhan, karahasan, at pag-uusig.
Ayon sa Pangulo, mahalagang palawakin ang access sa edukasyon, kabuhayan, legal na pagkakakilanlan, at iba pang serbisyong panlipunan para sa mga refugee.
Samantala, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na mananatiling katuwang ang ahensya sa pagbibigay ng dignidad, oportunidad, at pag-asa sa mga nangangailangan. Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Solutions in Motion: Rebuilding Futures Together.”