Tuloy ang Marcos Administration sa pagpapatupad ng mga proyektong patubig, upang mapalakas ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa inagurasyon ng Mabini-Cayacay Small Reservoir Irrigation Project sa Mabini, Bohol, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malapit na ring matapos ang ilan pang kahalintulad na proyekto doon.
Kabilang dito ang Bonot-Bonot Small Reservoir Irrigation project sa Buenavista na aniya’y higit 84% nang tapos.
Kabilang din dito ang Hibale Small Reservoir Irrigation Project sa Danao.
Nagpapatuloy rin aniya ang Malinao Dam Improvement Project sa Pilar, Catungawan, ang irrigation project sa Guindulman, at ang Mandaug irrigation project sa Calape.
Ayon kay Pangulong Marcos, sa tulong ng mga proyektong ito, inaasahang mabibigyan ng serbisyong patubig ang libo-libong ektarya ng sakahan, na pakikinabangan ng higit sa 2,400 na magsasaka.
Bilang tugon naman sa banta ng El Niño, pinayuhan ni Pangulong Marcos ang mga magsasaka na magtanim ng high value commercial crop gaya ng pakwan, ube, luya, mani, talong, sa halip na palay na nangangailangan ng mas maraming tubig.