Magtatayo ang Department of Transportation (DOTr) ng karagdagang 103 modern public utility vehicle (PUV) stops sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, layunin ng proyekto na mabigyan ng mas komportable at ligtas na pasilidad ang mga pasahero, lalo na ang mga senior citizen, persons with disabilities, at mga estudyante.
Aniya, malaking ginhawa ito sa mga komyuter lalo na kapag mainit o maulan.
Sa ngayon, nakapagtayo na ang DOTr ng 24 PUV stops sa Marikina, Manila, Malabon, Quezon City, at sa mga bayan ng Kalibo at Malay sa Aklan.
Kasalukuyan namang ginagawa ang 19 pang PUV stops sa Muntinlupa at Iloilo, habang may nakalaan nang pondo para sa 84 karagdagang pasilidad sa Nueva Ecija, Zamboanga, Quezon City, Calapan, Cebu City, at Mandaue.
Tampok sa naturang mga modernong PUV stops ay may mga upuan, CCTV cameras, ilaw, kongkretong bollard, tactile pavement, charging station, solar panels, at bike repair station upang maging mas ligtas para sa mga gumagamit nito.