Ipinag-utos ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapaigting ng Police visibility sa paligid ng mga paaralan sa buong bansa.
Ito’y sa gitna na rin ng sunod-sunod na insidente ng pananaksak sa loob mismo ng mga paaralan kung saan, mismong estudyante ang mga sangkot.
Ginawa ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pahayag makaraang amining ikinababahala na nila ang dalawang insidente ng pananaksak sa loob ng paaralan sa Cavite noong June 16 at 19.
Bagaman itinuturing itong isolated case ng PNP, sinabi ni Nartatez na nagpapatuloy ang imbestigasyon at ibibigay ang nararapat na paggalang sa karapatan ng mga menor de edad na sangkot.
Dahil dito, sinabi ng PNP Chief na kailangang higpitan ng mga pulis ang kanilang pagbabantay at magpatupad ng preventive patrols sa paligid ng mga paaralan habang pasukan, recess, hanggang uwian ng mga estudyante.