Iginiit ng kampo ni dating Ateneo Blue Eagles Coach Tab Baldwin na handa nilang ibigay ang full cooperation sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa pagkasawi ng dalawang student athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Matapos ang halos dalawang oras na pagharap ni Baldwin sa Homicide Division ng NBI, ang kanyang legal counsel na si Atty Daniel Darvin ang humarap sa media at sinabing bukod sa pagcomply sa subpoena ng NBI nagpunta sila sa tanggapan upang lumabas na rin ang katotohanan sa insidente.
Hindi naman idinetalye ng abogado ni Baldwin kung ano ang mga napagusapan nila sa Homicide Division o kung posibleng maging homicide na nga ba ang takbo ng kaso.
Pero isa sa humarap sa kanya ang Task Force Head at Asst Director for Investigation Eric Mercado sa utos na rin ni NBI Director Melvin Matibag para maging patas ang imbestigasyon.
Samantala si Coach Tab naman nanatiling tikom ang bibig sa media kahit nang tanungin sya kung pupunta sa libing ni Rene Baterbonia bukas ay wala rin siyang sagot.
Pero nagpaabot naman ng pakikiramay ang kanyang counsel sa nga naiwang pamilya ni Rene at pati narin ni Divine Adili. | ulat ni Louisa Erispe