Nasa San Jose National High School ngayon si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara upang makipagpulong sa mga kinatawan ng pamahalaang lokal, Philippine National Police (PNP), at mga field office ng kagawaran upang talakayin ang naganap na insidente kahapon.
Sa naturang pagtitipon, mariing nanawagan ang kalihim sa Kapulisan na higpitan ang seguridad sa loob at paligid ng mga paaralan. Binigyang-diin niya na layon nitong matiyak ang kaligtasan ng komunidad at maiwasang maulit o gayahin ng iba pang mag-aaral ang marahas na pangyayari.
Kasabay nito, ipinaabot din ni Sec. Angara ang kanyang pasasalamat sa mabilis na pagtugon ng mga lokal na opisyal, kapulisan, SDO Tacloban, at DepEd Eastern Visayas Region.
Nakatakda ring bisitahin ng kalihim ngayong araw ang mga pamilya ng mga mag-aaral na naapektuhan ng insidente upang personal na magpaabot ng pakikiramay at suporta. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar | RP Borongan
📸 DepEd Philippines
