Matapos ang apat na beses na pagpapatawag ng National Bureau of Investigation (NBI), personal nang humarap si dating Ateneo Men’s Basketball Team coach Tab Baldwin ngayong araw.
Dumating siya bandang alas-2 ng hapon kasama ang kanyang limang abogado at dumiretso sa Homicide Division ng NBI.
Sinubukan siyang hingan ng pahayag ng media, kabilang kung naniniwala siya na magiging patas ang imbestigasyon, ngunit nanatili siyang tikom ang bibig.
Inaasahan naman na sa kanyang pagharap sa NBI ngayong araw ay hihingan siya ng mga impormasyon at pahayag kaugnay ng imbestigasyon sa pagkamatay ng mga student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Nauna nang sinabi ng NBI na magiging patas at nakabatay sa ebidensiya ang kanilang imbestigasyon.