Higit sa global recognition, layunin ni Guinness World Record holder for the Fastest Crossing of the Philippines on Foot Lito De Veterbo na hikayatin ang mga Pilipino na maglakbay nang may disiplina at malasakit sa kalikasan.
Kwento ni De Veterbo sa programang Pasyal Pinas, sa limang buwan niyang paglalakad ay isinasabuhay niya ang Leave No Trace na simple lamang ang mensahe—huwag mag-iwan ng anumang basura sa mga lugar na pinupuntahan.
Sinikap ng 55-taong gulang na mountaineer na hindi bumili ng bottled water na aniya’y makakadagdag lamang sa basura sa mga lugar na kaniyang dadaanan. Sa halip ay umiigib na lamang siya sa mga nadadaanang karinderya at tinutuluyang accommodation.

Bitbit ni De Veterbo ang adbokasiyang ito sa kaniyang matagumpay na paglalakad ng eksaktong 147 days 1 hour 39 minutes 53 seconds mula Maira-ira Point, Pagudpud, Ilocos Norte hanggang Tinaca Point, Glan, Sarangani Province na kaniyang sinimulan noong February 9, 2025 at natapos noong July 6, 2025.
Maging ang Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay kinilala ang makasaysayang journey ni De Veterbo matapos siyang imbitahan sa Malacañang kamakailan.
