Pinuna ng House Prosecution Panel ang inilabas na Accomplishment Report ng Office of the Vice President (OVP) kamakailan, at binigyang-diin na direktang sagot sa mga akusasyon ang hinihintay ng bayan mula kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Trial Spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, hindi madadaan sa pangkalahatang ulat ng mga proyekto ang mga seryosong krimeng kinakaharap ng Bise Presidente sa kaniyang nalalapit na paglilitis sa Senado.
Sa ulat ng OVP, ipinagmalaki nito ang mga programang tulad ng medical assistance, disaster response, libreng sakay, at ang pagtatanim ng higit isang milyong puno sa kaniyang unang tatlong taon sa puwesto.
Gayunpaman, pinalagan ito ni Adiong at sinabing malayo ito sa pinakapuso ng isyu.
Aniya, magandang malaman ng publiko ang mga proyekto ng OVP, ngunit ang tunay na nais marinig ng mamamayan ay ang kaniyang panig hinggil sa mga seryosong alegasyon sa kasong impeachment.
Binigyang-diin pa ng Mindanao solon na kung walang itinatago ang Bise Presidente, dapat niya itong patunayan sa pagharap at pagsagot sa gaganaping impeachment trial na nakatakdang magsimula ngayong July 6.