Photo courtesy of NAPOLCOM
Magsasagawa na rin ng imbestigasyon ang National Police Commission (NAPOLCOM) para alamin ang posibleng pananagutan ng pulis na may-ari umano ng baril na ginamit sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay NAPOLCOM Chief Comm. Rafael Vicente Calinisan, inatasan na niya si NAPOLCOM Region 8 RD Risty Sibay na pabilisin ang imbestigasyon kasabay ng isinasagawang pagsisiyasat ng Philippine National Police.
Batay sa paunang impormasyon, ang Glock pistol na ginamit sa insidente ay pagmamay-ari umano ng isang policewoman na tiyahin ng isa sa mga suspek.
Ayon kay Calinisan, susuriin ng NAPOLCOM kung may naging kapabayaan o pananagutan ang pulis sa pagpapagamit ng kanyang issued firearm na nauwi sa pagkamatay ng tatlong kabataan at pagkasugat ng iba pa.
Maaaring maharap ang nasabing pulis sa kasong administratibo tulad ng grave misconduct o grave neglect depende sa magiging resulta ng imbestigasyon, na maaaring humantong sa suspensyon, pagbaba ng ranggo, o pagtanggal sa serbisyo.