Nagpaabot ng pakikiramay at panalangin si Pasig City Representative Roman Romulo sa mga pamilya ng biktima at kabuuang komunidad ng paaralan kasunod ng naganap na trahedya sa San Jose National High School.
Ayon kay Romulo, na tumatayong Chair ng House Committee on Basic Education and Culture, ang naganap na pamamaril ay isang matinding hudyat na dapat nang palakasin ang proteksyon para sa mga mag-aaral.
Binigyang-diin niya na kailangan ding tugunan ang mga malalalim na dahilan na nagbubunsod ng karahasan, kabilang ang mga isyu sa mental health, bullying, madaling pagkuha ng armas, at iba pang banta sa mga bata at komunidad.
Kaugnay nito, nanawagan si Romulo sa Department of Education (DepEd) at Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng isang mabilis, patas, at masusing imbestigasyon upang matiyak ang pananagutan sa ilalim ng batas.
Hinimok din niya ang mga ahensya na magbigay ng agarang psychosocial support at iba pang kinakailangang tulong para sa mga biktima at, kanilang pamilya.
Hinikayat din ng mambabatas ang publiko na iwasan muna ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon o mga haka-haka habang nagpapatuloy pa ang opisyal na imbestigasyon.
Tiniyak ng mambabatas na nananatili siyang nakatuon sa pagsuporta sa mga patakaran at interbensyon para sa ligtas na kapaligiran.