Nakalatag na ang aksyon ng Manila LGU hinggil sa dumadaming pasyente ng mga District hospitals ng lungsod.
Sa panayam ng mga mamahayag ng Manila Cityhall Press Club kay Manila Vice Mayor Chi Atienza, sinabi nito na target ng lungsod na magtayo ng mga Superhealth centers.
Layon aniya nito na maibsan ang siksikan sa mga ospital na pinapatakbo ng lungsod sa bawat distrito nito.
Paliwanag ng bise alkalde – kumpleto ang mga medical equipment sa mga itatayong super health centers, mula X-ray, MRI at ibat-ibang mga kagamitan na kinakailangan ng mga pasyente.
Pero sa kabila nito humingi naman ng pang-unawa si Atienza sa publiko na bagamat may plano ang lungsod ay kinakailangan dumaan ito sa masusing pag-aaral lalo na ang mga plantilla positions ng mga tauhan ng naturang mga healthcenters.
Aniya maganda ang kanilang plano subalit ayaw nilang magpadalos-dalos at baka kapusin ang lungsod ng pampasweldo sa mga healthcare workers na tatao sa nasabing mga super healthcare facilities.
Posible kasi aniyang matapos ang naturang pasilidad subalit matengga ang pagbubukas dahil walang sapat na pondo para sa mga healthcare workers.
Pagtitiyak ni Atienza na patuloy na gumagawa ng paraan silang dalawa ni Manila Mayor Isko Moreno para maisakatuparan ang nasabing plano sa pinakamadaling panahon. | ulat ni Lorenz Tanjoco