Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine Army kaugnay ng alegasyon ng pananakit sa mga graduating trainee ng National Guards sa loob ng Camp Capinpin sa Tanay, Rizal.
Ayon kay 2nd Infantry Division Commander MGen Ramon Zagala, pananagutin ang sinumang mapatutunayang responsable sa insidente.
Sa panayam, sinabi ng isa sa mga biktima na tumangging magpakilala na mismong isa nilang instructor ang umano’y sangkot sa pananakit.
Ayon sa kanyang salaysay, nakainom umano ang Army officer na may ranggong Staff Sergeant habang idinaraos ang kanilang fellowship kagabi.
Nag-ugat umano ang insidente nang utusan silang pumuwesto sa formation ngunit hindi agad nakumpleto ang hanay dahil nakainom na rin ang ilang recruit.
Dahil dito, sinabi ng biktima na hindi bababa sa 10 trainee ang umano’y pinagsisipa at pinagbabatukan ng inirereklamong instructor.
May ilan din umanong nagtamo ng mga injury sa rib at tagiliran.
Gayunman, nangangamba ang mga biktima na magsampa ng pormal na reklamo at lumantad dahil sa takot na maapektuhan ang kanilang nakatakdang graduation bukas, June 24.
Samantala, tiniyak naman ni Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala na hindi kukunsintihin ng Philippine Army ang naturang insidente. | ulat ni Diane Lear