Suportado ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union ang hirit ng House Prosecution Panel na payagang gamitin ang wikang Filipino at Ingles sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Layon nitong matiyak na nauunawaan ng ordinaryong mamamayan ang takbo ng paglilitis.
Kaninang umaga, isinumite na ng panel sa Senate Impeachment Court ang Manifestation with Proposal on Certain Additional Pre-Trial Matters, na naglalayong magtakda ng mga praktikal na panuntunan para sa maayos at mabilis na paglilitis sa Hulyo 6.
Ayon kay Ortega, dahil umiikot ang kaso sa pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan, karapatan ng bawat Pilipino na maunawaan ang mga inihaharap na testimonya at ebidensya.
Paglilinaw ni Ortega, ang panukala ay hindi upang alisin ang paggamit ng wikang Ingles, bagkus ay upang dagdagan ang mga paraan para mas maunawaan ng publiko ang proseso.
Naniniwala rin ang House Leader na ang hakbang na ito ay isang mabisang paraan upang mapanatili ang transparency at mapigilan ang pagkalat ng maling impormasyon o misinformation kaugnay ng makasaysayang paglilitis.