Hindi lamang dapat i-asa sa gobyerno ang paghubog ng karakter ng mga bata, maging ang pagsisiguro na magiging responsableng bahagi ng lipunan ang mga ito.
Pahagay ito ni Communications Usec Claire Castro sa gitna ng mga suhensyon na ibaba pa ang edad na maaaring papanagutin sa batas, na kasalukuyang nasa 15 anyos.
Bunsod pa rin ito ng magkakasunod na insidente ng krimen, na kinasasangkutan ng mga menor de edad na suspect.
“Nakikita rin po natin ang nasa isipan ng mga miyembro ng PNP na ang mga kabataan po ngayon ay mulat na kung ikukumpara noon. Nakikita po natin ‘pag sinabi natin ay hindi ka naman makakasuhan mas malakas iyong loob nila na gumawa ng hindi maganda.” -Castro.
Ayon kay Castro, dapat na magsimula sa bahay o sa mga magulang ang pagdi-disiplina at paggabay sa mga bata.
Katuwang rin ang mga guardian, mga guro, at ang buong komunidad sa paghubog sa mga kabataan.
“So ito naman po ay hindi lang sa gobyerno dapat manggaling, kundi pati sa mga magulang, sa mga guardian, sa mga guro kung paano natin ihuhubog ang ating mga kabataan.” -Castro.
Napaka-halaga aniya ng pagtutulungan ng lahat, lalo na ngayong nakapadali ng access ng mga kabataan sa social media, na isa sa mga nakikitang nakaka-impluwensya sa desisyon o kaisipan ng mga bata.
“Lalong-lalo na ngayon na talagang medyo mararahas ang napapanood natin sa social media. So tulong-tulong po talaga lahat para mas agapayan natin ang mga kabataan.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan