Inaasahang aabot sa ₱1.32 trillion ang nakalaang National Tax Allotment o NTA sa 2027 na ibabahagi sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, mas mataas ito ng ₱129.32 bilyong piso kumpara sa kasalukuyang alokasyon.
Sinabi ni Recto na ang Pangulong Marcos Jr. bilang isang dating Local Chief Executive ay batid ang pangangailangan at karapatan ng mamamayan.
Ang pondo ani Recto ay magsisilbing suporta mula sa malalaking lungsod hanggang sa pinakamalalayong barangay sa bansa.
Sinasabing “one of the biggest ticket items” ang nabanggit na halaga na ilalakip sa proposed 2027 national budget.
Dagdag ni Recto, na inaasahang mababanggit din ang ukol dito sa nakatakdang State of the Nation Address o SONA sa susunod na buwan ni Pangulong Marcos.
Pagtiyak ng Executive Secretary, patas at ibinase sa formula ng itinatakda ng batas ang magiging share ng mga kinauukulang LGU na ibinabatay din sa population at land area.