Inanunsyo ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na may go signal na mula sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng 44 criminal tax cases laban sa tatlong dating opisyal ng DPWH na sangkot sa flood control scandal.
Kabilang dito sina Jaypee De Leon Mendoza, Henry Alcantara, at Brice Ericson Hernandez.
Ayon sa BIR, umaabot sa mahigit ₱1.68 billion ang kabuuang tax liabilities na sangkot sa mga kaso na nag-ugat sa imbestigasyon hinggil sa umano’y malaking discrepancy sa idineklarang kita at aktwal na gastos ng mga dating opisyal, gayundin ang underreporting ng tax returns.
Batay sa tatlong magkakahiwalay na resolusyon ng DOJ, nakita ang probable cause para sampahan ng kaso ang mga sangkot dahil sa umano’y paglabag sa Section 254 at Section 255 ng National Internal Revenue Code.
Para kay Mendoza, 16 criminal informations ang inirekomenda ng DOJ kaugnay ng taxable years 2021 hanggang 2024, na may kabuuang tax liabilities na nasa ₱179.7 million.
Samantala, 18 kaso naman ang inirekomenda laban kay Alcantara para sa taxable years 2022 hanggang 2024, na may tax liabilities na umaabot sa ₱913.8 million.
Habang 10 criminal informations ang inirekomenda laban kay Hernandez para sa taxable years 2020 hanggang 2024, na may kabuuang tax liabilities na nasa ₱593.7 million.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, mahalagang hakbang ang pagkakaroon ng probable cause para mapanagot ang mga ito laban sa tax evasion.