Photo courtesy of TUCP
Welcome sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang pagkakatalaga kay Senator Joel Villanueva bilang bagong Tagapangulo ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.
Umaasa ang party-list group na sa ilalim ng pamumuno ni Villanueva ay bibigyang-prayoridad ang pagpasa sa mga pinaka importanteng panukala para sa kapakanan ng mga manggagawa.
Kabilang dito ang pagtataas ng sahod, security of tenure, at freedom of association.
Ayon sa TUCP, napapanahon na ang aksyon dahil sa loob ng siyam na magkakasunod na taon, ang Pilipinas ay nananatiling kabilang sa mga itinuturing na pinakamalalang bansa sa mundo para sa mga manggagawa.
Nananawagan din ang TUCP para sa isang mas tuloy-tuloy na ugnayan sa pagitan ng Senado at ng House Committee on Labor and Employment na pinamumunuan naman ni Rep. Jolo Revilla III.
Ilan sa mga priority measures na nais ng TUCP na sabay na tutukan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay ang panukalang ₱200 legislated wage hike.
Naniniwala ang TUCP na sapat ang matitirang taon sa 20th Congress, upang makabuo ng panukala na karapat-dapat sa lagda ng Pangulo at sa sakripisyo ng mga manggagawang Pilipino.