Nakasamsam ang Bureau of Internal Revenue (BIR), katuwang ang iba pang law enforcement agencies, ng kabuuang 4.72 milyong pakete ng pinaghihinalaang ilegal na sigarilyo sa magkahiwalay na operasyon sa Cebu City noong Hunyo 24, 2026.
Nasabat ng mga awtoridad ang sampung (10) container van sa Barangay Bacayan at Pier 7 Area na naglalaman ng mga produktong tabako na may tinatayang ₱343.12 milyong basic excise tax liability.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na kalakalan ng sigarilyo upang maprotektahan ang kita ng gobyerno at mga lehitimong negosyo.
Patuloy pa ang imbentaryo, beripikasyon, at imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa operasyon, habang nagpapatuloy rin ang mga enforcement activity sa iba pang bahagi ng Cebu City.