Nagsagawa ng prayer rally ang grupong Alliance for Moral Advancement and New BARMM for All (AMANA) sa punong tanggapan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa Pasig City ngayong umaga.
Ito’y upang ipanawagan sa pamahalaan ang ganap na pagpapatupad o full implementation ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Ayon kay AMANA Convenor, Sultan Alim Saad Amate, may mahigit isang dekada na ang nakalilipas subalit wala pa sa 30% ng nasabing kasunduan ang naipatutupad.
Giit niya, hindi pa ganap na maitatatag ang Bangsamoro Government kung hindi pa rin maseselyuhan ang exit agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nangangamba aniya ang iba pang Bangsamoro na muling sumiklab ang gulo sa Mindanao kung hindi mareresolba ang usapin dahil naiinip na ang mga ito sa pagtatatag ng kanilang gobyerno.
Ilang minuto lamang ang itinagal ng prayer rally at agad silang ipinatawag ni OPAPRU Sec. Mel Senen Sarmiento para sa pakikipagdayalogo.