Hinimok ni Senador Joel Villanueva ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na isama sa mga priority bills ang kanyang SMART KIDS bill, isang panukalang naglalayong protektahan ang mga bata laban sa mapanganib na epekto ng social media at iba pang digital platforms.
Ayon kay Villanueva, lalo pang naging mahalaga ang panukala matapos ang naganap na pamamaril sa isang high school sa Tacloban City kung saan tatlong estudyante ang nasawi.
Bagama’t patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente, sinabi ng senador na kailangan ang mas malawak na hakbang para maprotektahan ang mga kabataan hindi lang sa paaralan kundi maging sa online world.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2071 o Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act, ipagbabawal sa mga batang wala pang 15 taong gulang ang paggawa at pagpapanatili ng social media accounts.
Ang pananagutan ay nakatuon sa mga operator ng digital platforms at hindi sa mga bata.
Inaatasan din ng panukala ang mga platform na magpatupad ng age-verification systems, content moderation, safety-by-design features, at regular na pagsusuri upang matukoy at maalis ang mga underage accounts.
Kailangan din nilang magsumite ng taunang transparency reports sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Kapag lumabag, maaaring pagmultahin ang mga platform ng mula ₱1 million hanggang ₱20 million, at hanggang ₱50 million para sa paulit-ulit o matinding paglabag, kasama ang posibleng suspensyon ng operasyon.
Iginiit ni Villanueva na hindi layunin ng panukala na parusahan ang mga kabataan kundi panagutin ang mga kumpanyang nagdidisenyo at kumikita sa mga digital platform upang matiyak ang ligtas na online environment para sa mga bata. | ulat ni Nimfa Asuncion