Giniit ni Senador Ping Lacson na dapat payuhan ng impeachment court ang prosekusyon at depensa na umiwas sa pagkokomento sa merito ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson na magsisilbing isa sa mga senator-judge sa impeachment trial, kailangang mapanatili ang integridad ng mga paglilitis at maiwasang malitis ang kaso sa hukuman ng public opinion.
Nilinaw ng senador na ang kanyang pangamba ay nakatuon lang sa mga komento hinggil sa merito ng kaso, at hindi sa mga talakayan tungkol sa procedural matters at iba pang mga bagay na makatutulong sa pag-unawa ng publiko sa proseso ng impeachment.
Nagtapos kahapon (June 25) ang mga pre-trial proceeding para sa impeachment, kung saan minarkahan ng House prosecution panel, ng defense team ng Bise Presidente, at ng Impeachment Clerk of Court ang mga ebidensya at tinukoy ang mga testigong ihaharap sa paglilitis.
Una nang sinabi ni Senate Secretary at Impeachment Clerk of Court Renato Bantug Jr. na maaaring umabot sa 92 trial days ang presentasyon ng mga ebidensya sa paglilitis: 62 trial days sa prosekusyon at 30 trial days sa depensa.
Nakatakda ang pagsisimula ng impeachment trial sa July 6.