Ikinalugod ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang agad na pagkumpleto sa rehabilitasyon ng drainage system sa G. Araneta Avenue sa Quezon City, na isa sa mga lugar na lumulubog sa baha, tuwing umuulan.
Sa pagi-inspeksyon ng pangulo sa proyekto ngayong araw June 26, ibinahagi nito ang ilan sa mga ipinatupad na pagkukumpuni sa proyekto.
Kabilang ang installation ng malalaking drainage.
“Kung maalala ninyo, nung nakaraan, nandito rin kami, ipinakita natin yung napakalaki na mga tubo na goma na bago, yun ang in-install natin dito. Yung mga nakikita ninyo, ‘yung mga butas dito, ‘yung mga drainage ang sa ilalim niyan, yung malalaki na tubo na nilagay natin para makapag-drain na mabilis at hindi na magbaha dito.” —Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa pangulo, agad na naramdaman na ng mga residente sa lugar ang epekto ng proyekto, lalo’t hindi na nagmimistulang second-floor ang taas ng tubig- baha tuwing umuulan.
Ang susunod na kailangang tutukan, ayon sa pangulo, ang problema sa basura.
Tuwing pumapasok kasi ang tubig-baha, natatangay nito ang mga basura na bumabara sa drainage system.
Dito na aniya papasok ang lokal na pamahalaan ng lungsod Quezon, upang masiguro ang ganap na operasyon ng drainage system.
“Kaya’t magpapatulong tayo sa local government, hihingi tayo ng tulong kay Mayor Joy, at sabihin natin kung pwede ay gawa tayo ng sistema para tuloy-tuloy ang pag-declogging. Ginagawa na ng mga tiga rito, nagde-declogging sila. Pero ano lang, small scale lang. Sa dami ng basura, eh kailangan talaga meron tayong isang sistema para alam na natin kapag uulan ng malakas, ay tiyakin natin na lahat ng basura ay makolekta. At pagkatapos ng ulan, ay may madadala pa rin basura, magde-declogging ulit.” —Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan