Sa kauna-unahang pagkakataon, real-time na masisilip ng mga Pilipino ang lagay ng pondo ng taumbayan, kung naibaba na ba ito sa mga tanggapan ng pamahalaan, saan ito inilaan, at sa papaanong paraan ito ginamit.
Ang pinakabagong inisyatibo na ito ng Marcos Administration upang gawing mas bukas ang pamahalaan at upang maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno, naisakatuparan sa tulong ng COMPASS (Centralized Open Monitoring Platform for Appropriations and Spending Statistics) website ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa website na ito, mababantayan ng mga Pilipino kung saan eksakto napupunta ang trilyong pisong pondo ng gobyerno at kung paano ito ginagastos.
Hinihikayat ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na tangkilikin ang website na ito, at maya’t mayang i-monitor ang gastos ng gobyerno, lalo’t user-friendly o madaling mabuksan at magamit ang wesbite.
Sa kaparehong kaganapan, inilunsad ang Philippines Public Financial Management (PFM) Reforms Roadmap 2024-2028 Midterm Update.
Nakalatag sa roadmap na ito ang priority fiscal reforms ng administrasyon na kayang paigtingin ang pagpa-plano, pag-manage, pagbabantay, at pag-gastos ng pondo ng taumbayan.
Ang midterm update na ito ay naisakatuparan sa tulong ng higit 1,000 public financial management practitioners, katuwang ng komprehensibong pag-aaral sa fiscal system ng Pilipinas.
Siniguro ng pamahalaan na ang financial management ng pamahalaan, naka-angkla sa national development goals ng administrasyon, climate-responsive, gender-responsive, child-responsive, disaster resilient, at ang mga programa o proyekto na prayoridad mapaglaanan ng pondo, mararamdaman at tunay na para sa kapakinabangan ng publiko.