
Ang Likhang Filipino Exhibition Halls ay naglalaman ng libo-libong mga produktong gawang Pilipino. Nagsimula ang konseptong ito nang binuo ang PhilTrade Center taong 1979 sa ilalim ng pamumuno ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., at First Lady Imelda Marcos.

Tinatayang nasa 8,000 square meters ang lawak ng Likhang Filipino Exhibition Halls. Mayroon itong anim na bulwagan na kinabibilangan ng Special Exhibit, Traditional Arts, Fashion, Textile and Accessories, Furniture Lighting, Home decor, at Food Sector.

Bukas ang Likhang Filipino Exhibition Halls para sa lahat ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nais makilala ang kanilang mga produkto mula sa kasuotan, kasangkapan, dekorasyon, at pagkain. Libre lang din ang pagbisita rito ng mga nais na makapamili at mamangha sa mga produkto na ang ilan ay pinadadala na rin sa ibang bansa.

Matatagpuan ang Likhang Filipino Exhibition Halls sa lungsod ng Pasay, at maaari bumisita rito tuwing araw ng Martes hanggang Linggo, 10:00 A.M hanggang 7:00 P.M. Hinihikayat ng buong pamunuan ng Likhang Filipino ang publiko na suportahan ang MSMEs sa bansa at ipagmalaki ang natatangi at kalidad na produktong sariling atin.