Inihayag ng House prosecution panel na mas humaba ang iginugol na oras sa impeachment pre-trial sa Senado matapos hindi magkasundo ang magkabilang panig sa mas mabilis na sistema ng pagmamarka sa mga ebidensya.
Ayon kay Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, nadoble ang konsumo sa oras dahil hindi pumayag ang defense panel sa ‘common markings’ o ang paggamit ng iisang kopya lamang para sa mga dokumentong pareho naman nilang ipiprisinta.
Dahil sa magkaibang estratehiya, kinailangan ng magkabilang panig na markahan nang magkahiwalay ang libo-libong dokumento kahit magkatulad lang naman ang nilalaman ng mga ito.
Bagamat hindi pabor ang prosekusyon sa naging hakbang na ito ng depensa, sinabi ni Luistro na nirespeto pa rin nila ang diskarte ng kampo ni Duterte, ngunit pormal nilang ipinaabot ang kanilang obserbasyon sa rekord ng impeachment court.
Inaasahang magsisimula ang pormal na paglilitis sa Senado sa dumarating na July 6.