Inihayag ni Marikina City Mayor Maan Teodoro na walang puwang sa lokal na pamahalaan ang katamaran, pang-aabuso, at anumang uri ng katiwalian.
Sa kaniyang unang State of the City Address (SOCA), binigyang-diin niya na sa nakalipas na isang taon ay sinimulan ng kanyang administrasyon ang pagbuwag sa mga maling gawain at pagpapanagot sa mga nagsasamantala sa loob ng sistema.
Aniya, walang sinuman ang higit sa batas at walang puwang ang palakasan sa pamahalaan.
Ayon kay Teodoro, kinikilala ng lungsod ang mga kawani na mahusay, tapat, at may malasakit sa mamamayan, ngunit kaakibat nito ang mahigpit na pananagutan sa mga lumalabag sa tungkulin.
Inilahad din ng alkalde ang mga programa ng lungsod sa kalusugan at edukasyon, kabilang ang pagpapahusay ng Marikina Multispecialty Clinics, Marikina Autism Care and Development Center, CT Scan facility na magkakaloob din ng MRI services, at pagpapatuloy ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Inanunsyo rin niya ang pagtatayo ng Marikina Institute of Skills Development and Technology sa Barangay Tumana, kasama ang iba pang nakaplanong proyekto tulad ng Alagang Marikina App, Marikina River Esplanade, Marikina Active Transport Park, Marikina Alaga Express Mobile Clinic, at iba pa.
📸 Marikina LGU
