Photo courtesy of Senate Public Relations and Information Bureau
Umapela si Senador Imee Marcos na ipasa na ang panukala niyang National Resiliency and Disaster Management Authority (NRDMA) para mas mapabilis ang disaster response ng bansa.
Ayon kay Marcos, sa ilalim ng inihain niyang Senate Bill 746 ay layong gawing sentralisado ang awtoridad sa pagtugon at paghahanda sa mga sakuna o kalamidad.
Papalitan nito ang kasalukuyang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ginawa ng senadora ang pagsusulong muli ng panukala matapos bisitahin nitong Huwebes ang mga apektado ng lindol sa General Santos City.
Dinagdag din ng senadora na bukod sa pagtatatag ng NRDMA, dapat ding maging high tech na ang damage assessment ng bansa.
Meron na aniyang LiDAR drones para sa precision surveying pati concrete scanning o structural X-ray para makita ang sira sa gusali mismo at dapat gamitin na rin aniya ang satellite technology at iba pang paraan ng komunikasyon.
Giit pa ni Marcos na dapat nang i-update ang Building Code ng bansa kung saan magnitude 7 lang sa Richter scale ang batayan samantalang mas malakas ang nangyaring lindol sa Mindanao.
Maging ang lakas na 200 km/h na mga bagyo ay tila ordinaryo na lamang, dapat taasan ang sukatan at umabot nga ng 315 km/h ang lakas noong Bagyong Yolanda.
Minumungkahi rin niya ang pagtatalaga ng resiliency officer sa mga LGU para mas matutukan ang disaster preparedness at response ng mga komunidad.